Habang nag-eemote ako sa isang tabi, bigla nalang tumugtog ng kanta ang iTunes ko na nakakadepress. Luma nga ngunit isa parin ito sa pinaka paborito ko’ng kanta. Para kasi siyang isang maikling kwento. Isang nakakadepress na maikling kwento.
SHE WILL BE LOVED | MAROON 5
TAUHAN
Adam Levine - ang “bestfriend”
> protagonista
> mabait
> isang gentleman
> parating tinatakbuhan pag may problema
Girl - crush ni Adam Levine
> leading lady
> manhid
> hindi kayang panindigan ang sarili
> kahit nasasaktan na, go parin!
Boy - shota ni girl
> antagonista
> nang-aabuso
> walang hiya
> mahilig mang-gago
SAGLIT NA KASIYAHAN
Si Adam Levine at si Girl ay magkaibigan. Si girl naman ay may jowa at mahal niya ito.
SULIRANIN
Mahal parin ni Girl si Boy kahit na halatang inaabuso lang siya nitong boylet niya. Matapos siyang saktan ni Boy ay tumatakbo agad siya kay Adam Levine upang maglabas ng sama ng loob. Mahal ni Adam Levine si Girl ngunit alam niyang di pwedeng maging sila.
TUNGGALIAN
Tao vs. Tao - Si Girl, yun nga, inaabuso ni Boy.
Tao vs. Sarili - (Adam Levine) Hindi niya alam kung anong gagawin niya; hindi niya alam kung patuloy niya nalang ba’ng hahayaan na si Girl ay masaktan nalang parati ni Boy o nakawin nalang si Girl kasi para sa kanya, mapapasaya niya ito.
(Girl) Si Girl talaga ay hindi maka-get over sa kanyang mapangabusong syota at hindi makadesisyon kung iiwan niya ba ito o hindi.
KASUKDULAN
Matapos ang lahat, nanatiling mabait na KAIBIGAN LANG itong si Adam Levine.
WAKAS
Kasi alam niyang hindi siya mahal ni Girl, naging kontento na si Adam Levine sa pagiging isang mabait na kaibigan. Si Girl naman nanatili parin sa mga kamay ni Boy kahit sinasaktan lang siya parati. Si Boy naman, well… gago parin as usual.
TEMA
Love is blind.
Isang pribilehiyo ang makapanood ng Mutya! Dalawang dula ang nagpapabuo nito. Ang unang tinanghal ng Entablado (Enterteynment para sa Tao, Bayan, Lansangan at Diyos) ay nagngangalang Mga Santong Tao na noong 1901 pa ginawa ni Tomas Remigio. Ang pangalawang itinanghal naman, Ang Sistema ni Propesor Tuko, ay isinulat ni Alfredo Santos noong taong 1890.
// MGA SANTONG TAO

Habang nanonood ng Mga Santong Tao, hindi ko mabibilang kung ilang beses akong napatawa nito. Makikita natin na si Titay, ang utakan at malanding asawa ni Ambrosio, ay nakapagbighani sa tatlong makapangyarihang taombayan—isang cura sa simbahan ng bayan nila, tsinong piskal at ang kanilang sakristan mayor. Makikita natin na sa halip na mag-away itong si Titay at Ambrosio, ay nagkasundo sila sa pagloko sa tatlong lalake na naghahabol kay Titay. Kung pag-aaralan natin ang dula, madidiskubre natin na maaring may opresyon din laban sa mga babae na nangyayari sa panahon ng pagsakop ng mga Ispanyol. Kung gayon, maiintindihan ko kung bakit ganoon nalang si Titay; posibleng tingin ng mga tao ky Titay ay isang laruan o walang kamalaymalay na babae lamang kaya hindi nila maiisip na kaya gawin ni Titay ang panloloko. Ngunit sa huli’t huli, ang tatlong lalake pa rin ang nagmukhang kawawa at si Titay ang nagtagumpay!
// Tradisyunal o Moderno?
Sa unang tingin, mukhang hango sa tradisyunal na panitikan ang Mga Santong Tao. Ang dayalogo ng mga persona ay may tugma at sukat na tulad ng panitikang tradisyunal. Ang tagpuan, mga damit, ayos ng pananalita at pati ang damit nila’y tila luma din. Ngunit nang lumaon, may halong pagka-moderno pala ang dula. Ipinapakita kasi nito kung saang hanggan ang kayang gawin ng isang tao para lang makuha ang gusto niya—sa dula, ito ay pera. May tema din itong sekswal, paglilinang at “indirect” na pagnakaw. Ngunit nakuha rin ni Titay ang inaasam-asam niyang pera sa kahulihan. Still a happy ending, right?
// ANG SISTEMA NI PROPESOR TUKO

Sa dulang Ang Sistema ni Propesor Tuko, matatawa at mapapaisip ka habang ika’y nanonood. Ipinapakita ng dula ang istiryotipong pagtutunggali ng mga estudyante at ng guro—o “terror teacher”. Si Kiko, Bondying, Ningning at Babols ay mga estudyanteng sumusunod sa bulok na sistema ni Propesor Tuko na kung saan ay nagtuturo itong si Propesor Tuko ng kaalaman na sinaunang panahon pa at halatang di na bagay sa makabagong henerasyon. Halata din ng mga manunuod ang kolonyal na pag-iisip ng guro, kadalasang pagmumura, at ang kanyang pagtangkilik sa literatura ng ibang bansa. Ilang pagsubok din ang napagdaanan ng grupo na pinangungunahan ni Babols bago nila naituwid ang bulok na sistema ng kanilang guro.
// Tradisyunal o Moderno?
Para sa akin ay inukit ang dula sa modernong panitikan at makikita ito sa iba’t ibang elemento ng Ang Sistema ni Propesor Tuko; katulad ng sa tagpuan nilang silid aralan na puno ng basura (na masasabing nilalarawan ang di-kanais nais na sistema ng edukasyon), paaran kung paano sila magsalita at manamit. Masasabi ding moderno ito dahil sa problemang ipriniprisenta ng dula. Ngunit sa kahulihan ay may halo itong pagka-tradisyunal. Makikita kasing nalampasan ng mga estudyante ang mapangahas na Propesor Tuko pero sa katotohanan ay mahirap ayusin ang sistema ng edukasyon ngayon.
Sa kahulihan, napagtanto ko’ng pwedeng-pwede pala maghalo ang tradisyunal at modernong panitikan :)
Special Mention din ky Sir Jethro Tenorio, astig niyo talaga sir!
Tentenenen!

Wow, ang sweet naman ni Aurora (Sleeping Beauty) at ang kanyang munting prinsipe; isang fairytale ika nga!
Pero bago dumating sa puntong iyan, hindi maipagkakait na naitapon ni Aurora ang ilang taon dahil sa mahimbing niyang pagtulog. Kinulam kasi siya nung bitter na bruha (yung witch na naka all black)—hindi kasi na-imbitahan sa pagbunyag ni Aurora kaya ganun…sobrang bitter at naglagay ng isang kulam kay Aurora na maiduduro niya ang kanyang hintuturo sa panulid nila. At nangyari nga.
Makalipas ang panahon nang pag-alaga ng mga fairies kay Aurora sa tuktok ng castle nila habang siya’y natutulog, nangyari din ang itinakdang engrandeng halikan ni Aurora at nang isang binatang mamahalin niya… true love’s kiss daw. May happily ever after pa. Ang saya noh? Super saya.
Ngunit alam niyo bang iba pala ang nangyari sa orihinal na estorya? Ibang-iba talaga. As in todo-todo, at bonggang bongga ang pinagkaibihan ng bagong bersyon at noong dati pa itong isinulat.

Sa orihinal kasi, si Aurora o Talia sa unang bersyon ay hindi kinulam kundi nagpakatanga lang at nalason sa lino ng pasulid kahit pinagbawalan siya ng hari. Matapos niyang matulog (o mamatay…ewan) siya’y itinago pala siya sa pinaka-madilim at pinaka-tagong parte ng gubat. Nang lumaon, may nakadiskubre din sa katawan niya na isang maharlikang lalake (noble man)… na nagiisa… natutulog… na siya lang mag-isa… na walang nagbabantay… sa gubat… at walang tao. Nakita nung lalake na maganda pala itong si Aurora/Talia at….
*Drumroll, please!
.
.
.
.
.
…GINAHASA NIYA ITO! Anak ng kambing na walang bangs.
Matapos ang siyam na buwan, nanganak si Talia sa dalawang bata (na pinangalanang Sun and Moon) habang siya tulog. Paano nagawa yun, hindi ko alam. Ang dalawang bata ay inalagaan ng forest fairies.
Isang araw habang ang mga bata ay nag-breastfeed kay Talia, nagkamali ang isang bata at ang daliri ni Talia ang napagkamalan niyang… alam niyo na; at dahil doon ay nasipsip ng bata ang salubsob na may lason sa daliri niya.
Nagising si Talia/Aurora dahil nawala na ang lason. Nagising siya…ginahasa at may anak na pala.
Talk about a rude awakening.
Ang pangalawang bersyon ng Sleeping Beauty ay nagpapakita ng isang ideyal na katapusan sa problema ni Aurora. Hinalikan siya ng isang gwapong binata at silay nagmahalan hanggang sa huli. Makikita nating hango ito sa tradisyunal na panitakan. Typical happily ever after eh.
Ngunit sa unang bersyon ay halatang hango sa modernong panitikan dahil nagpapakita ito ng realidad. Sino namang hindi magagahasa sa gitna ng gubat habang ika’y natutulog? Eh di syempre mapapagsamantalahan ka talaga. Tulog eh. At oo nga pala, nabuntis pa! Hay nako naman.
Ingat-ingat kasi tayo. Huwag magpaka-tanga, makinig tayo sa mga magulang natin kung ayaw nating malason, itapon sa gitna ng gubat at magising nalang na may anak na pala tayo. Gets?
Pagunawa.
Pagpapahalaga.
Pagintindi.
Pagtalakay.
Pagtahak.
Ilan lang yan sa mga salitang pumapasok sa isip tuwing ako’y kumakain ng mangga matapos ang aming natalakay noong FIL11.
Bakit nga ba?
Naaalala ko talaga ang conseptong itinuro sa amin: TULA.
Isang mahirap na proseso ang kailangan matapos upang ating tawag na pagunawa ng tula ay mangyari. Maihahambing ang pagbasa at pagunawa nito sa pagkain ng mangga.
Ang pagunawa ng tula ay may tatlong parte. Ang una kundi ang balat o kung ano ang nakikita mo sa simula; sunod naman ay ang pagbasa sa literal na meaning ng tula. Sa panghuli naman ang paggawa ng sariling interpretasyon.
Panitikan; ito ay nasa lahat ng dako; mula sa paraan ng pagpatak ng ulan sa aspalto hanggang sa matamis na pag-ngiti ng iyong kapatid; mula sa pagsikat ng araw hanggang sa simoy ng hangin tuwing hatinggabi. Sa simpleng bagay na pangaraw-araw, doon nagsisimula lahat. Ayun pa nga kay Aristotle, tayo ay nalalapit sa realidad sa kadahilanang mayroon tayong tinatawag na panitikan.
Ngunit, para sa akin, ang panitikan ay hindi isang sining na walang ulirat sapagkat ito’y may makabuluhan at may mahalagang parte sa buhay ng isang tao. Ang panitikan ay hindi simpleng pagsulat o paginterpreta kundi ito’y pag-unawa at pagbahagi ng piraso ng iyong isip at emosyon. Kahit sino nama’y pwedeng makalikha ng panitikan pero hindi maitatanggi na kaunti lang ang may kapangyarihang gumawa ng panitikang may bahid ng katotohanan at may kakayahang magsalita sa mambabasa.
Gayunpaman, ang panitikan ay dapat nating pahalagahan, ipaglaban at muling buhayin.